Malugod na tinanggap ni Gov. Presbitero Velasco Jr. ang plaque of recognition mula kay NEDA-Mimaropa Regional Director at Regional Development Council Vice Chairman Agustin Mendoza. (Larawan mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque)

BOAC, Marinduque (PIA) — Ginawaran ng pagkilala si Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., sa nakaraang Regional Development Council (RDC) Meeting na isinagawa sa Heritage Hall, Pasay City.

Base sa nakasaad sa ‘plaque of recognition’, kinikilala ng konseho ang natatangi at mahalagang kontribusyon ni Velasco sa pag-unlad ng Rehiyon ng Mimaropa dahil sa kanyang huwarang pamumuno bilang tagapangulo ng Infrastructure Development Committe at bilang aktibong miyembro ng RDC mula 2019 hanggang sa taong kasalukuyan.

Nagpasalamat naman ang punong panlalawigan sa natanggap na pagkilala mula sa RDC.

“Maraming salamat po sa Regional Development Council-Mimaropa sa paggawad sa inyong lingkod ng ‘plaque of recognition’ lalong lalo na kay Romblon Gov. Jose Riano, ang chairperson ng RDC at Vice Chairperson Agustin Mendoza.

Ang Regional Development Council ay ang pinakamataas na ‘planning at policy making body’ sa bansa na binubuo ng mga gobernador at iba pang matataas na pinuno mula sa pamahalaang nasyunal. Ito ay nagsisilbing counterpart ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board sa sub-national level na may pangunahing mandato na paunlarin at palakasin ang ekonomiya ng isang rehiyon. (RAMJR/GASL/PIA-MIMAROPA)

Share on Social Media