Nagtungo si Gov. Presbitero Velasco, Jr. sa bayan ng Torrijos para personal na ibigay sa mga lolo at lola roon ang mga food pack.

TORRIJOS, Marinduque (PIA) — Inumpisahan na ang pamamahagi ng mga food pack sa mga senior citizen sa probinsya ng Marinduque kung saan unang nabigyan ng ayuda ang mga lolo at lola sa bayan ng Torrijos.

Ayon kay Gov. Presbitero Velasco, Jr., mahalaga na matugunan ang pangangailangan ng lahat ng sektor sa lipunan lalo’t higit ang mga matatanda kaya naman namahagi nang ayuda para sa mga ito ang pamahalaang panlalawigan katuwang ang tanggapan ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco at Pilipinong may Puso Foundation.

“Binibigyang diin natin ang kahalagahan na matugunan ang pangangailangan ng ating mga mamamayan lalo na ngayong dumaraan tayo sa mga pagsubok dala ng pandemya at iba’t ibang kalamidad,” ani Velasco.

Dagdag pa ng gobernador, layunin ng pamahalaan na mabigyan ng kahalagahan at kalinga gayundin ng masusustansyang pagkain ang mga lolo at lola ng sa gayon ay maging malusog ang kanilang pangangatawan at mailayo sa anumang karamdaman.

Kabilang sa mga nilalaman ng food packs na natanggap ng mga benepisyaryo ay gatas, bigas, face mask, face shield, at ilang mga healthy food items. (RAMJR/ENSJR/PIA MIMAROPA)

Share on Social Media