Personal na iniabot ni House Speaker at Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco kasama si Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang naturang yunit ng laptops sa mga kapitan ng barangay sa apat na bayan ng lalawigan. (Larawan mula sa opisina ni Cong. Velasco)

TORRIJOS, Marinduque (PIA) — Tumanggap ng bagong laptop mula sa tanggapan ng Speaker of the House of Representatives ang mga punong barangay sa lalawigan ng Marinduque, kamakailan.

Personal na iniabot ni House Speaker at Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco kasama si Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang naturang yunit ng laptops sa mga kapitan ng barangay sa apat na bayan na kinabibilangan ng Buenavista, Gasan, Santa Cruz at Torrijos.

Nakatakda namang bigyan ang mga punong barangay sa munisipalidad ng Boac at Mogpog sa mga susunod na araw.

Ayon kay Cong. Velasco, mahalagang magkaroon ng mga kagamitang angkop sa makabagong teknolohiya ang bawat opisina ng barangay para makapagbigay ang mga ito ng maayos na serbisyo sa mga mamamayan.

“Sa ating tuluy-tuloy na serbisyo at adhikain na maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng bawat Marinduqueno, kinikilala ng inyong lingkod bilang mahalagang katuwang ang bawat barangay,” ani Velasco.

Dagdag pa ng House Speaker, ang pagtutulungan at pagkakaisa ng bawat barangay gamit ang modernong kasangkapan ang pinakamainam na paraan upang ang mga programa at tulong ng pamahalaan ay mas mabilis at maayos na maihatid sa mga mamamayan.

“Isang taus-pusong pasasalamat po ang ipinararating namin sa ating minamahal na House Speaker gayundin sa kanyang kabiyak na si Wen Velasco at sa ating masipag na gobernador sa mga kagamitang ibinigay n’ya sa amin na siguradong makatutulong upang maitaas ang antas ng pagseserbisyo sa mga barangay,” pahayag ni Gilmer Manguera, kapitan ng Barangay Buliasnin.

Bukod dito ay namigay rin ng Christmas gift buckets sa mga ‘barangay captain’ ang Pilipinong May Puso Foundation, isang non-govermental organization na pinamumunuan ni Wen Velasco, maybahay ng kongresista. (RAMJR/ENSJR/PIA MIMAROPA)

Share on Social Media